LAGUNA, Philippines — Pinasok ng nag-iisang magnanakaw ang isang Palawan pawnshop at tinangay ang hindi pa matukoy na mahahalagang gamit sa kahabaan ng Barangay 3, Calamba City sa lalawigang ito kahapon ng umaga.
Ang pagnanakaw ay nadiskubre ni Erning Moyano, Palawan pawnshop security guard, noong Sabado dakong alas-7:40 ng umaga ngunit naiulat lang sa istasyon dakong alas-10:10 ng umaga ni Ronald Salazar, 34, supervisor at residente ng Barangay Parian, Calamba City.
Inilarawan ng pulisya ang magnanakaw na lalaki na may taas na 5’4” hanggang 5’8”, slim ang pangangatawan at naka-shorts at long sleeves shirt na nakasakay sa motorsiklo.
Hinala ng pulisya, tinangka ng suspek na buksan ang vault ng Palawan pawnshop pero nabigo ito.
Sinabi ni Moyano sa pulisya na napansin niyang nagkalat ang front drawer ng pawnshop pagdating niya para mag-duty. Sa kanyang inspeksyon, sinabi niyang buo pa rin ang steel vault.
Sa imbestigasyon, maaaring nakapasok umano ang hindi pa kilalang magnanakaw sa katabing hagdanan ng residential house sa pamamagitan ng pagsira sa kisame patungo sa loob ng nasabing pawnshop.
Nakatakas ang magnanakaw sakay ng isang motorsiklo kasama ang kanyang mga gamit na ninakaw.