Motor hinuli, inimpound sa Cavite
CAVITE, Philippines — Isang motorcycle rider ang kritikal matapos pagbabarilin ng isang pulis makaraang mag-amok umano sa loob mismo ng Traffic Management Office (TMO) nang ma-impound ang kanyang sasakyan sa Kawit, dito sa lalawigan kamakalawa ng gabi.
Nasa pagamutan at inoobserbahan matapos magtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib at tuhod ang biktimang kinilala lang sa pangalang Lenjoe, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Kanluran, Kawit, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:05 ng gabi ng diumano’y sumugod si Lenjoe na armado ng jungle bolo sa Kawit-TMO sa Zeus Junction, Brgy. Kanluran.
Ayon sa pulisya, lasing umano ang biktima at nagwawala hanggang sa pumasok sa loob ng TMO na may bitbit na itak.
Nauna rito, nahuli ng traffic enforcer ng Kawit ang biktima sanhi upang ma-impound ang kanyang motorsiklo kaya posibleng ito ang ikinasama ng kanyang loob kung kaya naglasing saka sumugod sa TMO.
Inatake umano ng biktima ang loob ng TMO at tinangka nitong tagain ng bitbit na bolo ang mga pulis na sina PEMS Requioma at Patrolman Anonuevo na naka-duty ng mga oras na iyon dahilan upang siya ay pagbabarilin ni Requioma.