LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Umabot na sa P267,390,512 ang pinsala sa agrikultura dahil sa nararanasang matinding init ng panahon sa lalawigang ito matapos na anim na bayan ang nagsumite ng report sa Albay Provincial Agricultural Office (APAO).
Ayon sa tala na hawak ni APAO assistant provincial agriculturist Daryl John Buenconsejo, ang damaged cost na karamihan sa palayan ay nagmula sa Ligao City at mga bayan ng Camalig, Polangui, Libon, Oas at ang Pio Duran na pinakanaapektuhan ng tagtuyot.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pio Duran, simula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon ay hindi na sila nakaranas ng ulan kaya’t apektado hindi lang ang kanilang agrikultura kundi ang pinagkukunan ng tubig inumin sa maraming barangay ng bayan.
Inihayag na ang total area na nataniman ng palay ay nasa 29,805 ektarya at ang nagkaroon ng malaking pinsala ay nasa 3,153 ektarya kung saan nasa 4,620 na magsasaka ang apektado at nalugi.
Patuloy na naglilibot ang mga tauhan ng APAO upang i-validate pa ang mga taniman na nasira habang siniguro ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman na may mga tulong at interventions silang ibibigay sa mga apektadong magsasaka.
Samantala, sinabi ni Provincial Safety and Emergency Management Office head Cedric Daep, na sa kabila ng danyos sa sakahan ay hindi kasama ang Albay sa idineklara ng PAGASA sa mga lugar na tinamaan ng El Niño phenomenon dahil sa nakararanas pa ng kaunting mga pag-ulan ang ilang bayan. Puwede lang umanong maikonsidera ang “El Niño” kung limang buwang walang pag-ulan sa isang lugar; “dry spell” naman kung 3-buwang walang ulan at “below normal” kung 2-buwan na hindi nakaranas ng ulan.