4-anyos hulog mula 27-palapag ng condo, patay!

Mabilis na isinugod sa ospital ang batang biktima na itinago sa pangalang Andrew su­balit hindi na naisalba pa ng mga doktor ang kanyang buhay.
STAR/File

MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 4-anyos na batang lalaki matapos na mahulog mula sa ika-27 na palapag ng condominium na kanyang agarang ikinamatay sa Cebu City kahapon ng umaga.

Mabilis na isinugod sa ospital ang batang biktima na itinago sa pangalang Andrew su­balit hindi na naisalba pa ng mga doktor ang kanyang buhay.

Ayon sa pulisya, nangyari ang nakapanlulumong insidente dakong alas-6 ng umaga sa Median Condominium na matatagpuan sa La Guardia Extension, Brgy. Lahug, Cebu City

Sa inisyal na imbestigayson na mula 27 palapag ng condo, bumagsak ang biktima sa canopy sa ikatlong palapag ng gusali.

Lumalabas na nakalingat umano sa kanyang ina ang batang biktima matapos na kukuha lang ng kape ang nanay. Inakala umano ng ina na natutulog lang ang anak kasama ang isa pang kapatid nito subalit pagbalik ng una ay wala na ang 4-anyos na anak. 

Pinalalagay na naglakad umano ang bata hanggang sa balcony ng kanilang condo unit at umakyat sa silya at biglang nahulog.

Kapwa na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at Citrineland Corp na nagmamay-ari ng condominium upang malaman kung paano nahulog ang bata.

“The management is deeply shocked and saddened by this recent incident as our thoughts and prayers go out to the family of the child,” pahayag ng management ng high-rise condo.

Tiniyak din ng ma­nagement ng condo ang suporta at tulong sa pamilya ng biktima.

Show comments