LUCENA CITY, Philippines — Mayroon nang bagong anesthesia machine at digital ECG machine ang Quezon Provincial Hospital Network-Quezon Medical Center (QPHN-QMC) at mga pampublikong ospital sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon matapos isagawa ang pormal na turn-over nito kamakalawa.
Pinangunahan ni Froilan Gregory Romualdez III, External Affairs head ng Team Energy Corporation ang turn-over ng isang anesthesia machine at 15 digital ECG machine na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon.
Ang pagtanggap ng mga kagamitan ay pinangunahan nina Governor Dr. Helen Tan, chief of hospital Dr. Juan Eugenio Fidel Villanueva at Provincial Health Officer Dr. Kristin Villaseñor.
Ayon kay Gov. Tan, napakalaking bagay na nabigyan ang bawat pampublikong ospital sa lalawigan ng mga ganitong kagamitan dahil mas maraming Quezonian ang makikinabang.
Ang anesthesia machine ay ginagamit upang mag-administer ng anesthesia sa mga pasyente bago ang mga medical procedure tulad ng operasyon o iba pang mga diagnostic test.
Ang digital ECG machine naman ang nagsusuri sa iba’t ibang kondisyon ng puso ng pasyente.