‘Ganti sa negosyanteng mister’
HAGONOY, Bulacan, Philippines — Isang 13-anyos na estudyante ang dinukot ng tatlo katao kabilang ang mismong ina nito at humingi ng P3-milyong ransom kapalit ng kalayaan ng biktima sa Plaridel, Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Sa loob lamang ng 24-oras, nasagip ang Grade 7 student na dinukot sa Hagonoy, Bulacan habang naaresto ng pulisya ang tatlong suspek na kinilalang sina Maryrose Medina, 42, alyas “Elmarie”, ina ng binatilyong biktima, ng Brgy. Sagada, Hagonoy, Bulacan; Eleonor Bolosco ng Brgy. Menzyland at Adrian Cortez, security guard ng Brgy. Mojon, Malolos City, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon at sa salaysay ng amang negosyante na hindi rin pinangalanan, umalis ang kanyang anak at nagpunta sa kanyang kaklase bandang alas-3:00 ng hapon nitong Abril 4.
Ayon sa ama, hindi na bumalik ang anak at isang hindi nagpakilalang indibiduwal ang tumawag sa kanyang telepono at nanghihingi ng P3-milyon bilang ransom para pakawalan ang kanyang anak.
Matapos makatanggap ng tawag ang ama ng biktima mula sa hinihinalang kidnapper, agad siyang dumulog at humingi ng saklolo sa Hagonoy Police Station.
Nabatid na naibaba naman sa P550,000 ang ransom matapos na magkatawaran.
Kasunod nito, bandang alas-10:40 ng gabi nitong Abril 5 ay nagsagawa ng operasyon ang Provincial Intelligence Unit ng Bulacan sa pangunguna ni PLt. Col. Jesus Manalo, Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit at Hagonoy Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Aldrin Thompson para sa rescue operations.
Nang maibigay ang nasa P550,000.00 ransom, agad sinundo ng kanilang family driver ang biktima sa isang fast food chain sa bayan ng Plaridel kasabay ng pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober ng mga awtoridad sa operasyon ang P550,000 ransom money, at black Chevrolet SLX na gamit ng mga suspek.
Sinasabing puwersahang ginamit ang biktima ng kanyang ina katuwang ang dalawang kasabwat, at palabasing dinukot para ipatubos at makapaghigante umano ito sa kanyang negosyanteng mister.