Dasal at ritwal isinagawa vs bad spirits
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nasa mahigit 10 estudyante mula sa isang pampublikong paaralan ang binabantayan ngayon ng mga alagad ng simbahan matapos umano silang “saniban” ng mga masasamang espiritu, sa bayang ito.
Ayon sa mga guro, umabot na sa 13 estudyante ng Grade 5 at 6 ng Lingay Elementary School na matatagpuan sa Brgy. Bonfal East, Bayombong Nueva Vizcaya ang araw-araw na sinasapian ng mga masasamang espiritu simula pa noong Marso 15.
Napag-alaman na karamihan sa mga sinasapian ay nakakakita umano ng mga itim na wangis ng babae na tumatawag sa kanila sa isang malaking puno na nasa pagitan ng silid-aralan ng Grade 5 at Grade 6.
Iba’t ibang lider na ng simbahan at relihiyon ang nag-alay ng dasal at tumulong na rin para mapalayas ang mga masasamang espiritu sa mga mag-aaral subalit patuloy pa rin ang mga bata na sinasapian.
Kamakalawa ng hapon, nagsagawa na ng ritwal at nag-alay ng isang baboy sa loob ng paaralan batay na rin sa kagustuhan umano ng mga espiritu sa pamamagitan ng isang manggagamot.
Umaasa ang mga guro, mag-aaral at mga magulang na matigil na ang pagsanib ng mga masasamang espiritu sa mga mag-aaral matapos isagawa ang ritwal.