CAVITE, Philippines — Aabot sa P1 milyong cash, cellphone at mga alahas ang natangay ng mga miyembro ng hinihinalang “Akyat-Bahay Gang” matapos nilang ransakin ang isang pawnshop-money changer habang kasagsagan ng Semana Santa, kamakalawa sa Brgy. Mendez Crossing East, Tagaytay City.
Dakong alas-7:45 ng umaga araw ng Sabado nang madiskubre ng may ari ng CVM Pawnshop and Money Changer na napasok ang kaniyang establisimyento at halos ubusin ang laman nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-report sa kanila si Josephine Baybayon, Branch operation specialist ng CVM Pawnshop matapos madiskubre na napasok ito ng mga ‘di nakilalang suspek.
Nang puntahan ni Ruel Cuyo, may-ari ng nasabing pawnshop upang buksan ay dito niya nadiskubre na naransak at napasok ito ng mga magnanakaw.
Natangay ng mga suspek ang may P127,969 cash money, 1,700 US dollar, P47,000 Korean won, 129 na iba’t ibang klase ng nakasanlang alahas at gadgets.