LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nakaligtas sa kamatayan ang apat katao na kinabibilangan ng dating barangay kapitan na self-confessed bagman ng jueteng na nagsampa ng iba’t ibang kaso sa Office of the Ombudsman laban kay Albay Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman matapos tambangan sa Brgy. Mariawa, dito sa lungsod noong gabi ng Miyerkules Santo.
Aabot sa 20-bala mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril ang bumutas pero hindi tumagos sa bullet proof Chevrolet Suburban SUV ni dating barangay chairman Alwin Nimo, 48-anyos ng Brgy. Anislag, Daraga kaya ito nakaligtas at ang tatlong hindi na pinangalanang kasama.
Sa ulat ni Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-9 ng gabi habang binabagtas ang kahabaan ng national highway ng SUV ni Nimo pauwi sa kanilang bahay nang pagdating sa lugar ay biglang sumulpot ang apat na suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang sasakyan ng biktima.
Sa kabutihang palad ay wala namang nasaktan sa grupo ni Nimo makaraang walang tumagos na bala mula sa baril ng mga suspek kaya nakatakbo pa sila hanggang Brgy. Talahib sa bayan ng Daraga at nakapagsumbong sa mga pulis.
Tumangging magpalabas ng pahayag si Nimo hinggil sa insidente pero nakatakda umano siyang maglabas ng statement ngayong Lunes.
Magugunita na nagsampa si Nimo ng kasong direct bribery, paglabag sa anti-graft and corrupt practices act, code of conduct and ethical standards for public officials and employees laban kay Gov. Lagman noong Pebrero 2024.
Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa tangkang pamamaslang.