Van salpok sa truck: 13 pasahero nasunog nang buhay!

Hindi na naisalba pa ang 13 pasahero makaraang masunog ang kanilang sinasakyang van nang salpukin ng isang dump truck sa Brgy. Luhong, Antipas, Cotabato nitong Lunes.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Labintatlong sakay ng pampasaherong van ang nasunog nang buhay nang banggain ng isang dump truck ang kanilang sinasakyang van sanhi upang magpagulung-gulong ito at magliyab sa Barangay Luhong, Antipas, Cotabato kahapon.

Sa inisyal na ulat nitong Lunes ng hapon, kinumpirma ni Cotabato Provincial Police Office director Col. Gilbert Balneg Tuzon ang pagkasawi ng 13 pasahero ng van na nasangkot sa aksidente.

Lima sa 13 nasawi ang unang kinilala ng awtoridad na sina Nonoy Bunda, Ryse Vince Lopez, Coco Pojas, Kimberly Shane Armada at Jenivive Vincente, ayon kay Tuzon.

Sa inisyal na imbestigasyon, matapos ang pagkakasalpok sa van na nagbunsod ng matinding sunog, gumulong din ang dump truck at nahiga ng patagilid sa lakas ng pagkakabangga nito sa passenger van, ayon sa mga imbestigador ng Antipas Municipal Police at mga kawani ng Antipas Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nagresponde sa insidente.

Ilan din sa mga pasahero ang patay nang datnan sa gitna ng kalasada ng mga awtoridad habang ang iba ay kasamang natupok ng nasunog na van.

Iniimbestigahan pa ng pulisya at ng mga barangay officials ang trahedya at kung sino ang may sala sa naturang aksidente sa daan.

Show comments