LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Sugatan ang tatlong basketball referee matapos paulanan ng bala habang nasa may tindahan na nasa harap ng barangay hall kung saan may mga pulis pa na pansamantalang nakatalaga sa Purok-3, Brgy. Homapon, Legazpi City, Albay noong Biyernes ng gabi.
Nagpapagaling na sa Bicol Regional Hospital and Medical Center sa tinamong mga sugat sa katawan ang mga biktima na kinilalang sina Noel Maravilla, 54-anyos; Francisco Alejo, 30-anyos, kapwa residente ng naturang lugar; at Neleo Armenia, 50-anyos, ng Zone-2, Brgy. Bañadero.
Sa ulat, pasado alas-10 ng gabi habang nag-iinuman sa harap ng tindahan sina Armenia at Alejo habang bumibili naman sa nasabi ring tindahan si Maravilla nang sunod-sunod na paputukan ng dalawang hindi nakilalang suspek na nakaposisyon sa may higit 50-metrong layo sa may panulukan ng Brgy. Homapon at Brgy. Mariawa.
Dahil dito, tinamaan ng mga bala ang mga biktima na mabilis isinugod sa pagamutan habang tumakas ang dalawang suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Mariawa.
Ilang basyo ng bala mula sa pinaniniwalaang M16 armalite rifle ang natagpuan ng mga pulis sa lugar kung saan unang nagkubli ang mga suspek.
Pinagdududahang mga komunista ang mga suspek na posibleng napagkamalang mga nakasibilyang pulis ang mga biktima habang nasa harap ng tindahan.