‘Most wanted’ utas, 1 pa sugatan sa shootout Kumasa sa police raid…

Sinisiyasat ng isang police intelligence officer ang isa sa tatlong nakaw na motorsiklong narekober sa hideout ng napaslang na si Raul Adza at sugatang si Ali Mama sa isinagawang raid nitong Huwebes sa Maguin danao del Norte.
John Unson

MANILA, Philippines — Isang most wanted person (MWP) sa mga kasong murder, pagbebenta ng shabu at pagnanakaw ng mahigit 20 na motorsiklo ang patay habang sugatan ang kasab­wat nito nang mauwi sa engkuwentro ang isang police operation sa Datu Odin Sinsuat, Maguin­danao del Norte nitong Huwebes ng hapon.

Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang MWP at akusado sa iba’t ibang kaso sa korte na si Razul Adza, 32-anyos, matapos na magtamo ng mga tama ng punglo sa katawan, habang ginagamot naman sa ospital ang isa pang notorysu na kasamahan nito na si 54-anyos na si Ali Mama.

Sa inisyal na pahayag nitong Biyernes ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza, hahainan sana ng mga warrants of arrest sina Adza at Mama ng mga kasapi ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa pamumuno ni Lt. Col. Sahibon Mamantal, at ng mga operatiba ng iba’t ibang unit ng PRO-BAR at ng Criminal Investigation and Detection Group-BAR sa kanilang kuta sa Barangay Semba ngunit sila ay naglabas ng mga baril kaya nagkapalitan ng putok.

Sina Adza at Mama ay may mga kasong murder, pagnanakaw ng mga motor, extortion at pagbebenta ng marijuana at shabu sa iba’t ibang korte.

May tatlong motorsiklong hinihinalang nakaw na narekober sa kanilang hideout, bukod pa sa mga shabu at mga gamit sa paghithit ng droga, mga baril at mga bala na nasamsam ng mga pulis at mga kasapi ng CIDG-BAR na kasama sa naturang operasyon.

Show comments