CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Tinatarget ng lalawigan ng Nueva Ecija na maging seed capital ng Pilipinas na magpapalakas sa kampanya ng pamahalaan sa food security ng bansa.
Sa isinagawang Techno Demo for Inbred Rice Production Field Day and Harvest Festival ng Nueva Ecija Seed Growers Multi-Purpose Cooperative (NESGMPC) kahapon sa Quijano Farm sa Barangay Dulong Bayan, Quezon, Nueva Ecija, sinabi ng vice chairman nito na si Virgilio Quijano, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng inbred varieties nila na high-yielding, aromatic, masarap at kaya ng bulsa.
Sa patnubay aniya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ay magtatagumpay sila na maging “Seed Capital of the Philippines”.
Nabatid na ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali at Vice Gov. Anthony “Doc” Umali ang isa umano sa sumusuporta sa nasabing kooperatiba na nagtataguyod ng locally produced inbred varieties tulad ng NSEC RC 222,480,436,534 at 512, na isinampol sa mga dumalo sa nasabing harvest festival.
Inaanyayahan ni Quijano ang mga kapwa farmers na subukan ang kanilang mga locally produced seeds upang mabigyan ng dagdag na kabuhayan o livelihood ang mga kababayang magsasaka.
Sinabi naman ni NESGMPC Chairman Ariel Dolores, kabilang sa sagot sa call for food security ng national government ang kanilang inbred seeds sa target na food security. Patuloy aniya ang kanilang pag-aaral upang mapaunlad pa ang kanilang produkto.
Nasa okasyon din si Provincial Agriculturist, Dr. Joebeat Agliam na naghikayat sa mga magsasaka na ipagpatuloy ang pagsasaka upang may pagkain para sa tahanan.