CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinalaya ng korte nitong Lunes ang isang film director at tatlo pang kasamahan na kinasuhan dahil sa umano’y panununog ng isang modern jeepney sa Barangay Dahican, Catanauan, Quezon kamakailan.
Iniutos ng Catanauan Regional Trial Court, Branch 26 na palayain sa kulungan si Direk Jade Castro at tatlong iba pa na tinukoy lang sa mga pangalang “Ernesto”, 50, ng Bacoor City, Cavite; “Noel”, 54, civil engineer ng Binangonan, Rizal at “Dominic”, 28, isa ring civil engineer, ng Cabiao, Nueva Ecija.
Ang mga akusado ay sinasabing kabilang sa mga armadong kalalakihan na nanunog ng modern jeep sa nasabing lugar noong Enero 16, 2024.
Ang release order ng apat ay nilagdaan ni Presiding Judge Julius Francis Galvez, dahil sa “unjustified arrest” ng Mulanay police.
Nabatid na kinatigan ng korte ang “motion to quash” na inihain ng legal counsel ng grupo ni Castro.
Sa ulat ng pulisya, si Castro at grupo nito ay naging bisita ng Mi-casa Resort sa Barangay Butanyod, Malunay, Quezon noong nangyari ang panununog ng modern jeepney.
Lumalabas na dumating at umalis ang grupo sa resort sakay ng Mitsubishi Mirage at positibo silang kinilala ng mga testigo kabilang ang driver at mga pasahero ng public utility vehicle, na sumunog sa isang modern jeep.
Bunsod nito, agad na nagsagawa ng operasyon ang Catanauan Police at inaresto si Castro at tatlong kasama.