MANILA, Philippines — Umabot na sa pito ang naibabalitang sugatan sa isang komunidad ng mga magsasaka matapos ang pamamaril diumano ng demolition team at Philippine National Police (PNP) sa Angeles City, Pampanga.
Martes nang sumiklab ang tensyon matapos aniya tangkain ng kapulisan atbp. armadong indibidwal na pasukin ang Sitio Balubad, Barangay Anunas.
"[Pito] na ang sugatan sa pamamaril ng demolition team na pinagsamang puwersa ng PNP at bayarang goons ng Clarkhills Properties Corporation," wika ng Karapatan Central Luzon ngayong araw.
"Hanggang ngayon tuloy-tuloy pa ang kaguluhan sa marahas na demolisyon na naman sa mga residente at magsasaka sa Balubad Anunas Angeles City!"
Sa video na ito, makikitang nagkabatuhan na ang panig ng kapulisan at mga nagbabarikadang residente dahilan para magkalat na ang mga babasagin sa kalsada. Maririnig namang umaawat ang ilan pa.
Maya-maya pa, makikita ang ilang residenteng may tama ng bala — bagay na nai-zoom pa sa camera.
Hinihingi pa ng Philstar.com ang panig ni PNP spokesperson PCol Jean Fajardo at ng Angeles City Police Office kaugnay ng insidente ngunit hindi pa rin tumutugon ang mga nabanggit.
'Isyu ng land grabbing'
Ayon sa environmentalist group na Kalikasan, Oktubre taong 2023 pa aniya sinusubukan ng nabanggit na korporasyong "agawin" ang lupa ng maliliit na magsasaka sa lugar.
"This move will possibly affect at least 535 households in the 72-hectare land, while also posing threats to nearby barangay such as Cuayan and Sapangbato," paliwanag ng green group.
"Kalikasan PNE vehemently condemns Clarkhills Properties Corporation and the PNP for greedily stealing the people of Anunas’ land. They are very willing to harm the lives of others just for profit, and they have no regard for the farmers who are just trying to protect the land that they own."
Ngayong taon lang nang kundenahin ng Angeles City local government unit ang surpresang marahas na demolisyon sa lugar noong ika-8 ng Pebrero.
Dahil dito, itiginil ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang negosasyon sa Clarkhills Properties Corporation at titiyaking makukuha ng gobyerno ang lupain para sa mga residente.
"The City Government of Angeles shall cease negotiations with Clarkhills. We will ensure that we will acquire the concerned property in favor of our constituents," ani Lazatin sa isang liham kay Oscar Torralba, presidente ng Clarkhills Properties Corporation.
"Considering the present circumstances and this impasse in the communication between the City Government of Angeles and Clarkhills, we believe that the best course of action for us is to proceed with the expropriation."
Una nang sinabi ni Lazatin na 535 kabahayan na may 2,000 pamilya na ang natukoy na benepisyaryo ng expropriation process na magpapahintulot sa mga residenteng pagmay-arian ang lupa.