P106 milyong ‘cocaine’ natagpuang nakalutang sa dagat
MANILA, Philippines — Natagpuan ng isang mangingisda ang dalawang malalaking plastic na naglalaman ng hinihinalang cocaine bricks na tinatayang nagkakahalaga ng P106 milyon habang lumulutang sa karagatan ng Brgy. Tangbo, Arteche sa Eastern Samar nitong Biyernes ng hapon.
Ang mangingisdang si Samuel Dalimpapas, 62-anyos, ay agad nakipag-ugnayan na sa mga awtoridad at ini-report ang kontrabandong kaniyang natagpuang lumulutang sa dagat na mga cocaine bricks pala ang laman.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 8, nangako naman si Arteche Mayor Roland Boie Evardone na bibigyan ng reward ang nasabing mangingisda sa pagsu-surender ng nasabing droga dahil sa ipinakitang katapatan nito.
Sa kuwento ng matandang si Dalimpapas, noong una ay inakala niyang bulto ng cash ang kaniyang natagpuan sa dagat dahil sa pagkakabalot nito pero lumilitaw na droga pala.
Itinurn-over na sa pulisya at sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Eastern Samar ang nakumpiskang mga cocaine bricks na nakabalot sa dalawang malalaking plastic bags na nababalutan din ng fish net.
Nasa kustodiya na ng Eastern Samar Police Provincial Office Provincial Drug Enforcement Unit ang nalambat na droga habang magsasagawa rin ng qualitative examination ang Eastern Samar Police Provincial Forensic Unit upang makumpirma kung tunay itong cocaine ang nakuhang lumulutang sa dagat.
- Latest