MULANAY, Quezon, Philippines — Binigyang pugay at pinarangalan ng bayan ng Mulanay, Quezon ang namayapang actress na si Jaclyn Jose.
Sa pamamagitan ng inaprubahang resolusyon ng Sangguniang Bayan at inaprubahan ni Mayor Aris Aguirre, kinilala ang mga nagawa ni Jose bilang natatanging aktres dahil sa kanyang makabuluhang pagpapalaganap ng turismo ng Mulanay, Quezon sa pamamagitan ng pinilakang tabing o pelikula.
Taong 1996 nang pangunahan nina Gina Alajar, Jaclyn Jose at Tommy Abuel ang pelikulang “Mulanay, sa pusod ng paraiso” na idinerek ng namayapa na ding director na taga-Pagbilao, Quezon na si Gil Portes .
Umiikot ang istorya ng pelikula sa buhay ng “Doctor to the Barrio” na si Dra. Ria Espinosa na ginampanan ni Jaclyn Jose na hinarap ang iba’t ibang problema ng isang malayong bayan.
Ang pelikulang “Mulanay: Sa Pusod ng Paraiso” ay tinanghal na best picture ng sumunod na taon na 1997 at nagkamit ng apat na major awards at 12 nominations sa iba’t ibang awards giving bodies. Dito rin tinanghal na best actress si Jaclyn Jose noong 1997 sa Gawad Urian Awards at Famas Awards.
Ayon sa lokal na pamahalaan, dahil sa nasabing pelikula ay higit na nakilala ang Mulanay, Quezon sa angkin nitong ganda at mayamang kultura.