CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang sugatang Philippine hawk eagle ang nasagip ng mga elemento ng Highway Patrol Group (HPG)-4A sa San Pedro City, Laguna.
Ayon kay Col. Rommel Estolano, HPG-Calabarzon police director, agad na itinurn-over kahapon sa Department of the Environment and Natural Resources 4A sa pamumuno ng direktor nitong si Nilo Tamoria sa Barangay Mayapa, Calamba City, ang sugatang Philippine hawk eagle, kilala rin bilang Brahminy kite hawk o “Dapay” naman sa lokal na tawag.
Sinabi ni Estolano na nagsagawa ng anti-carnapping operation ang mga tauhan ng mobile patrol ng HPG-4A sa kahabaan ng Barangay San Antonio, San Pedro City nang makita ng grupo ang agila na nasugatan sa lupa at nahihirapang lumipad.
Bunsod nito, agad na nilapitan at iniligtas ng mga tauhan ng pulisya ang agila saka nila dinala sa wildlife rescue center para sa pansamantalang kanlungan at ginamot ang mga sugat nito.
Sinabi ni Estolano na sumusuporta ang PNP-HPG4A sa pagpapatupad ng wildlife law at upang malabanan din ang ilegal na wildlife trade sa bansa.