MANILA, Philippines — Umaabot sa P5.3 milyong halaga ng pinaniniwalaang cocaine ang isinuko ng dalawang mangingisda nang malambat sa karagatang sakop ng Barangay Bongtud, Tandag City, Surigao del Sur nitong Biyernes.
Ayon kay Police Brig. General Kirby John Krafy, regional director ng Caraga (Region 13), nitong Biyernes ay isinuko ng mga mangingisdang sina Junjie Villaver, 36, at Paciano Villalba, 28; pawang residente ng Barangay Bongtud, Tandag City ang tinatayang nasa 1 kilo ng pinaniniwalaang cocaine sa Tandag Municipal Police Station (MPS). Nalambat ang hinihinalang droga ng mga mangingisda habang palutang-lutang sa dagat.
Ang ginawa namang katapatan ng dalawang mangingisda ay umani ng papuri sa pulisya at kay Surigao del Sur Gov. Alexander Pimentel, na nagbigay sa kanila ng pera at tig-isang sako ng bigas.
Ang mga nakuhang cocaine naman ay inilagay sa kustodiya ng Surigao del Sur Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit at susuriin ng Regional Forensic Unit-13.