P13.6 milyong shabu nasamsam sa 2 drug dealers sa Zamboanga

COTABATO CITY, Philippines — Umiskor ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-9 matapos na makakumpiska ng dalawang kilong shabu na aabot sa P13.6 milyon ang halaga mula sa dala­wang drug dealers sa buy-bust operation sa Zamboanga City nitong gabi ng Sabado.

Sa inisyal na pahayag ng PDEA-9 kahapon ng umaga, hindi na pumalag pa sina Amil Khan Abusabar, 26-anyos, at ang 27-anyos na si Muhajiran Jumlah nang arestuhin matapos magbenta ng dalawang kilong shabu sa mga hindi unipormadong mga agents nito sa isang lugar sa Camino Nuevo sa Zamboanga City.

Ayon sa PDEA-9, nakakulong na ang dalawang suspects, sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Naikasa ng PDEA-9 ang entrapment ope­ration na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa sa tulong ng mga kasapi ng Naval Intelligence & Security Group-Western Minda­nao at ng mga unit ng Police Regional Office-9.

Show comments