Nobya at officemate, ‘persons of interest’ sa lalaking pinugutan

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang babae at isang officemate ang tinaguriang “persons of interest” sa likod ng pagpatay sa isang lalaki na natagpuang walang ulo ang bangkay sa Davilan Road, Barangay Lantic, Carmona City, Cavite, noong Pebrero 17.

Sinabi ni Lt. Col. Jefferson Ison, hepe ng pulisya ng Carmona, na ang nobya ng lalaking natagpuang walang ulo at isang kaopisina nito ay ang itinuturing na mga persons of interest sa krimen.

Itinago ni Ison ang pagkakakilanlan ng dalawang persons of interest hanggang sa hindi nailalabas ng forensic Unit ang resulta ng DNA test ng lalaking pugot ang ulo.

“Mayroon kaming mga posibleng pangalan ng walang ulo na bangkay, gayunpaman, hinihintay pa namin ang resulta ng pagtutugma ng fingerprint,” sabi ni Ison.

Ayon pa sa opisyal, tinitingnan ng mga pro­bers na “pagkagahaman sa pera” ang posibleng motibo sa krimen.

“Mayroon kaming mga persons of interest para sa pagkakakilanlan ng biktima at pati na rin sa suspek,” sabi ni Ison.

Noong Lunes, isang ulo naman ng hindi kilalang tao ang natagpuan sa ilalim ng tulay sa kahabaan ng congressional road sa Brgy. Cabilang Baybay, Carmona, Cavite na iniu­ugnay sa natagpuang bangkay na walang ulo.

Naaagnas na ang ulo ng tao nang madiskubre ng isang lalaki habang siya ay nangingisda sa ilog dakong alas-6:30 ng gabi.

Dinala ang ulo ng tao sa Regional Forensic Unit 4A team para isagawa sa posibleng pagtutugma sa naunang natagpuang pugot na bangkay sa Barangay Lantic, Carmona City, Ca­vite, noong Pebrero 17.

Noong nakaraang dalawang linggo, isang walang ulo at hubad na bangkay ang natagpuan sa gilid ng Davilan road sa Brgy. Lantic, Carmona City. Ang katawan ay may tattoo na dragon sa kanyang dibdib.

Show comments