COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang 22 na iba’t ibang uri ng baril ang isinuko sa Philippine Army ng mga residente ng tatlong bayan sa Basilan nitong Sabado bilang tugon sa disarmament program ng kanilang provincial government.
Sa pahayag nitong Linggo ni Army Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, katuwang nila ang mga local executives ng Ungkaya Pukan, Tipo-Tipo at Albarka sa pagpapasuko ng naturang mga armas bilang suporta sa Small Arms and Light Weapons Management Program ni Basilan Gov. Hadjiman Salliman.
Tinanggap nina Luzon at Lt. Col. Michael Colanta ng 45th Infantry Battalion at mga provincial officials ang naturang mga baril sa isang simpleng seremonya sa municipal gymnasium sa sentro ng bayan ng Tipo-Tipo.
Sa mga hiwalay na tala ng governor’s office ng Basilan, 101st IB at ng tanggapan ni provincial police director Col. Carlos Madronio, umaabot na sa 231 na iba’t ibang uri ng mga baril na karamihan ay mga assault rifles at grenade launchers, ang natipon ng iba’t ibang Army at police units sa probinsya mula 2023, sa ilalim ng kampanya ni Salliman laban sa mga loose firearms na inaalalayan ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez, Jr.
Ang Basilan, dating balwarte ng Abu Sayyaf Group (ASG) ay kilala na ngayon na mapayapang probinsya at tinaguriang "new investment hub" sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.