MANILA, Philippines — Dalawang sundalo at isang militiaman ang nasugatan nang masabugan ng granada na inihagis sa kanila ng mga lalaking sakay ng motorsiklo na hinihinalang mga miyembro ng Dawlah Islamiyah terror group,nitong Martes ng hapon sa Maguindanao del Sur.
Ayon kay Major Saber Balogan, civil-military operations chief ng 601st Infantry Brigade ng Army, ang pag-atake ay ginawa ng lokal na grupong DI terror group.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Sgts. Jester Arsulo at Bryan Baylon, at gayundin si Datu Nor Akmad, miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), na pawang nasa ilalim ng 33rd Infantry Battalion ng Army.
Sinabi ni Balogan na ang mga biktima ay nasa loob ng CAFGU patrol base sa nayon ng Timbangan nang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang naghampas ng hand grenade patungo sa tabing daan at mabilis na tumakbo palayo.
Ginagamot ngayon ang mga sugatang infantrymen sa Army hospital sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Maaari anya na isang paghihiganti ng mga miyembro ng grupo ng DI dahil sa matagumpay na operasyon ng militar laban sa kanila sa Maguindanao del Sur.