MANILA, Philippines —Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi matapos makaengkuwentro ang tropa ng militar na ikinasugat din ng apat na sundalo kamakalawa mg umaga sa Escalante City, Negros Occidental.
Ayon kay 3rd Infantry Division spokesperson Lt. Col. J-jay Javines, nangyari ang serye ng engkwentro dakong alas-11:00 ng umaga, nakasagupa ng tropa ang walong natitirang miyembro ng dismantled Northern Negros Front sa Sitio Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City, Negros Occidental.Apat ding sundalo ang sugatan sa sagupaan.
Nabatid na rumesponde ang mga tropa sa sumbong ng mga residente na nagsasagawa ng extortion activities ang mga teroristang komunista sa lugar.
Narekober ng mga tropa sa unang encounter site ang labi ng dalawang lalaki at isang babaeng terorista, isang M653, isang AK47, isang .45 caliber pistol at samu’t saring personal na kagamitan ng kalaban.
Sinabi ni Javines na ang serye ng mga operasyon ay palatandaan na may ilang terorista ang kumakalat sa lugar.
Binati ni 3ID Commander Major General Marion R. Sison ang mga tropa sa matagumpay na operasyon, kasabay ng panawagan sa mga natitirang miyembro ng NPA na sumuko na upang maiwasan na sapitin ang kinahinatnan ng kanilang mga nasawing kasamahan.