LEGASPI CITY, Albay , Philippines — Itinakda na ang pinakahihintay ng mga Bicolano at mga turista na dalhin ang tanyag na hot air balloon ng Clark, Pampanga at New Clark City sa Capas, Tarlac sa Legaspi City, Albay ngayong darating na buwan ng Mayo.
Ito ang inihayag na impormasyon ni Department of Tourism-Bicol regional director Herbie Aguas kaugnay nang pakikipag-usap nito sa mga organizers ng hot air balloon na gawin din ito sa Kabikulan. Ayon kay Aguas, itinakda ang pinaka-unang hot air balloon shows sa Albay sa unang linggo ng Mayo, ngayong taon.
Mas makaka-engganyo umano lalo na sa mga dayuhang turista ang gagawing hot air balloon sa Albay dahil ilalapit nila ito sa katawan ng Mt. Mayon para makita mismo ng mga bisita ang ganda ng bulkan sa malapitan.
Malaki ang pasasalamat ni Aguas kay house budget and appropriations chairman Cong.Elizaldy Co, ng Ako Bicol Partylist dahil malaking budget na inilaan sa mga programa sa turismo ng rehiyon lalo na sa pagtulong na madala ang tanyag na hot air balloon sa Kabikulan ngayong summer season.