Retired Army todas, mag-asawa kritikal

Matagal nang away, nauwi sa barilan

LUCENA CITY, Philippines — Nauwi sa malagim na krimen ang matagal na umanong awayan matapos pagbabarilin ng isang retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines ang mag-asawa pero nagawang manlaban ang sugatang mister na ikinasawi ng suspek, sa Purok Maligaya, Barangay 5, ng lungsod na ito, kama­kalawa ng gabi.

Nagtamo ng tama ng bala ng kalibre 38 sa ulo ang biktimang misis na si Janeth Musa, 56, habang sa likurang bahagi ng katawan tinamaan ang mister niyang si Fernando Musa, 54, na parehong agaw-buhay sa Quezon Medical Center (QMC).

Namatay naman agad sa crime scene ang umatakeng suspek na si Noel Villanueva, 66-anyos, isa umanong retiradong sundalo ng Philippine Army, matapos na maagaw ni Fernando ang baril at makaganti ng putok.

Base sa imbestigas­yon ng pulisya, naglalakad patungo sa kanilang bahay dakong alas-8:00 ng gabi si Janeth nang malapitang barilin ng nakaabang na si Villanueva.

Pagkatapos barilin ni Villanueva ang ginang ay pinuntahan naman nito ang bahay ng mag-asawa at binaril din ang mister nito na si Fernando.

Bagama’t sugatan ay nagawang agawin ni Fernando ang kalibre 38 buhat sa suspek at ipinutok iyon sanhi upang agad malagutan ng hininga ang huli dahil sa tama ng bala sa ulo.

Nabatid na “old grudge” ang isa sa tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen.

Show comments