100 ‘nalason’ sa libreng food packs

Over 100 residents of Esperanza, Agusan del Sur were hospitalized after experiencing symptoms of food poisoning on February 19, 2024.
Facebook/PPIO Agusan del Sur

MANILA, Philippines — Nasa 100 katao ang inoobserbahan ngayon sa ospital matapos makaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi dahil sa kinaing food pack na ipinamahagi umano ng Philippine Red Cross (PRC) sa Esperanza, Agusan del Sur.

Batay sa ulat ng Esperanza Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), isinugod sa pagamutan ang mga biktima bandang alas-6:20 ng gabi nang makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka mula sa kinain umanong food packs na naglalaman ng kanin, itlog at atay ng manok.

Karamihan sa mga dinala sa Esperanza Medicare Community Hospital ay residente ng Barangay Tandang Sora na kinabibilangan ng mga bata at matatanda.

Sinabi naman ni Esperanza MDRRMO officer Daniel Ajoc, araw-araw namang ginagawa ng PRC na mamigay ng nasa 1,000 food packs o pack lunch sa mga residente ng bayan.

Ayon naman kay Dr. Jackie Momville, Provincial Health Officer ng Agusan del Sur, matapos ang ginawang paggamot sa mga biktima ay agad nagsagawa ng imbestigasyon ang Rural Health Unit ng Esperanza.

Nagpadala na sila ng mga tao sa Barangay Tandang Sora upang malaman ang sanhi ng pagkalason ng mga residente.

Show comments