PNP, Army nakaalerto sa ‘resbak’ ng Dawlah

Sa pagkasawi ng 7 terorista

COTABATO CITY, Philippines — Pinaigting ng pulisya at militar ang pagbabantay laban sa posibleng paghiganti ng Dawlah Islamiyah kasunod ng kumpirmadong pagkasawi ng pitong miyembro nito nang makasagupa nila ang tropa ng 44th Infantry Battalion sa Barangay Ramain sa Munai, Lanao del Norte nitong Linggo.

Anim na sundalo naman ang nasawi sa engkuwentro na kinilalang sina  Cpl. Rey Anthony Salvador,  Cpl. Reland Tapinit, Cpl. Rodel Mobida, Pfc. Arnel Tornito, Pvt. Michael John Lumingkit at Pvt. James Porras, ayon sa mga ulat nitong Martes ng Lanao del Norte Provincial Police Office at ng 1st Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Pulacan sa Labangan, Zamboanga del Sur.

Sa mga hiwalay na pahayag nitong Martes, iniulat ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ng commander ng Philippine Army na si Lt. Gen. Roy Galido, na nagmamatyag ang mga Army at police units sa Lanao del Sur, sakop ng Bangsamoro region, sa posibleng pagpasok ng ­ilang Dawlah Islamiyah terrorists mula sa Lanao del Norte kung saan sila ay tinutugis ng mga sundalo.

Ayon kay Nobleza, nagbabantay rin ang mga units ng PRO-BAR sa Lanao del Sur sa posibleng paghihiganti ng Dawlah Islamiyah sa pagkasawi ng mga miyembro nito sa engkwentro ng grupo at mga sundalo sa Munai sa Lanao del Norte na sakop ng Region 10.

Kilala ang Dawlah Islamiyah sa panggugulo ng mga walang kalaban-laban na mga Muslim at mga Kristiyano tuwing nalalagasan ng mga mi­yembro sanhi ng Army at police operations.

Sa pahayag ng Islamic missionaries at mga halal na opisyal sa Munai at ng isang presidente ng Association of Barangay Captains sa isang bayan sa Lanao del Norte, pitong Dawlah Islamiyah terro­rists ang nasawi sa mga serye ng engkwentro sa Barangay Ramain habang limang iba pa ang sugatan, dalawa sa kanila ay inisyal na kinilalang sina Monid at Ariado, na parehong bihasa diumano sa paggawa ng improvised explosive devices. Ang dalawa ay mga pinsan diumano ni Khadafi Mimbesa na siyang mastermind ng pambobomba nitong December 3 sa gymnasium ng Mindanao State University campus sa Marawi City na ikinasawi ng apat na nagsisimba habang mahigit 40 ang sugatan. Si Mimbesa at 9 na kasamahan ay napatay ng mga sundalo sa isa namang engkuwentro nitong Enero 26 sa Brgy. Tapurog, Piagapo, Lanao del Sur.

Show comments