MANILA, Philippines — Umakyat na sa 98 katao ang nasawi habang 9 ang nawawala sa naganap na landslide sa Maco, Davao de Oro.
Sa isang press briefing, sinabi ni Lea Añora ng management of the dead and missing unit ng municipal government na 88 bangkay at 10 bahagi ng katawan ang narekober simula ng tanghali kahapon.
Ayon kay Añora na 79 na bangkay ang natukoy, idinagdag na 65 na death certificates ang naisyuhan.
Dagdag pa ni Añora, siyam ang nawawala, kabilang ang mga manggagawa na ihahatid sana pauwi nang mangyari ang landslide.
Dalawang bus, ilang bahay at isang barangay hall ang natabunan sa landslide sa Barangay Masara noong Pebrero 6.
Nabatid naman sa Maco municipal disaster risk reduction and management council na 1,503 pamilya ang naapektuhan ng landslide.
Samantala, sa report naman ng Davao de Oro provincial veterinary office, 23 aso at 27 pusa na iniwan ng mga apektadong residente ang nasagip na ngayon aynasa impound area sa bayan ng Mawab.
Tinataya naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa mahigit P1 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa northeast monsoon at trough ng low-pressure area sa Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).