Puganteng ex-Army ng Taiwan, timbog
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dating sundalo ng Taiwan Army na nahaharap sa kasong katiwalian sa kaniyang bansa, sa ikinasang operasyon kamakailan sa Cebu City.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang inaresto na si Li Chen Yu, 36-anyos, Taiwanese national.
Dinakip si Li ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa may Brgy. Banilad, Cebu City nitong nakaraang Huwebes.
Armado ang mga operatiba ng Warrant of Deportation nang arestuhin si Li sa kanyang lungga sa Cebu City. Inilagay na rin siya sa blacklist ng bansa.
Ayon sa Taiwan Economic and Cultural Office (TECO) sa Manila, may warrant of arrest ang suspek mula sa Taoyuan District Prosecutor’s Office sa Taiwan dahil sa kaso ng korapsyon.
Noong dating kapitan sa military dependent service division ng Taiwan 6th Army Command, inabuso umano ni Li ang kanyang posisyon nang pekehin nito ang mga lease contracts ng mga lupain na nakareserba sa mga dependents ng mga sundalo.
Ibinulsa umano ni Li ang mga upa at deposito sa mga pinauupahang lupain na aabot sa 4 milyong Taiwanese dollars o katumbas na US$128,000.
Dumating sa Pilipinas si Li para magtago noong Marso 8, 2020 at isa nang overstaying alien.
- Latest