Bataan binulabog ng bomb threat, klase at trabaho sinuspinde!
MANILA, Philippines — Nabulabog ang buong lalawigan ng Bataan matapos na makatanggap ng “bomb threat” mula sa isang nagpakilalang abogadong Hapones.
Nabatid na isang email mula sa isang nagpakilalang Takahiro Karasawa, na isa umanong Japanese lawyer, ang nagsabi na mayroon naka-set na “high-performance bombs” sa mga pasilidad ng Philippine government at nakatakdang sumabog sa ganap na alas-3:34 ng hapon, kahapon.
“Unlike previous bomb threat, it really explodes and many people die,” ayon sa email.
Ang naturang bomb threat ay inihayag ng The Schools Division Office ng Bataan sa kanilang flag raising ceremonies kahapon ng umaga para ialarma ang lahat ng government offices at mga paaralan.
Dahil sa pangyayari, una nang nag-isyu ng “memorandum of suspension” ng klase sa mga eskuwelahan at trabaho sa buong lalawigan ng Bataan si Schools Division Superintendent Roland M. Fronda.
Samantala, nagsasagawa na ng kaukulang aksyon ang Bataan Provincial Police Office na kung saan ay kailangan umanong seryosohin ang nasabing bomb threat at nararapat na gawin ang lahat upang maiwasan ang anumang pinsala.
- Latest