Cessna plane, nag-emergency landing sa bukid sa Bulacan

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Isang maliit na eroplano ang nag-emergency landing sa bukirin na sakop ng Sitio Pulo, sa Brgy. Barihan, dito sa lungsod kamakalawa ng hapon.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Edgar De Jesus, isang Cessna Plane 152 aircraft ang nag emergency landing sa isang taniman ng mga gulay dakong alas-2:30 ng hapon.

Ayon kay de Jesus, nagsasagawa ng touch-go training flight ang Fliteline Aviation School Inc. nang magkaroon ng aberya ang eroplano.

Nabatid na isang Barangay Councilor Carlito Cristobal, 53-anyos, ang nakakita sa biglaang pag- landing ng naturang eroplano sa gitna ng bukid.

Kinilala ang piloto na si Capt.Ysmael Argonza, kasama ang estudyante nito na si Iñigo Martin, nabatid na nagmula sa Subic to Plaridel Airport ang two-seater na eroplano kung saan bago pa makarating sa Plaridel Airport, nakaranas na umano ng fuel starvation ang nabanggit na aircraft.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa natu­rang insidente.

Ayon naman sa Aviation school, sasagutin nila ang anumang pinsala sa pananim ng pinaglan­dingan ng eroplano.

Show comments