MANILA, Philippines — Umaabot na sa kabuuang P738.6 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa matitinding mga pagbaha at landslides dulot ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong linggo.
Sa ulat ng NDRRMC, ang CARAGA Region ang pinakamatinding nagtamo ng pinsala na nasa P473 milyong halaga matapos mapinsala ang nasa 32 mga pasilidad ng mga imprastraktura.
Pumangalawa naman ang Davao Region na nakapagtala ng P265.6 milyon sa nasirang 134 mga naapektuhang imprastraktura.
Nasa kabuuan namang 1,344 kabahayan ang nagtamo rin ng pinsala sa bahagi ng Northern Mindanao sa Davao Region at CARAGA mula Enero 28 hanggang Pebrero 3 dahilan sa Amihan at mula sa Low Pressure Area (LPA) na nagdulot ng mga malalakas na pag-ulang nararanasan ng mga residente sa lugar. Ang LPA ay nalusaw na ayon sa weather bureau.
Sa mga kabahayan, nasa 558 dito ang tuluyang nawasak habang 768 naman ang nagtamo ng pinsala.
Naitala naman sa anim na mga kalsada, 16 mga tulay sa naturang mga rehiyon ang hindi pa rin madaanan ng mga behikulo.
Nakaapekto ang flashflood at landslide na umaabot sa may 415,494 pamilya o1,389,073 indibiduwal sa nasa 818 barangay sa Davao Region, SOCCSKSARGEN, CARAGA at Bangsamoro Region.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa NDRRMC, nanatili pa sa mga evacuation centers ang nasa 50,000 katao habang mahigit naman sa 300,000 katao ang nanuluyan sa kanilang mga kapamilya at mga kaibigan.
Sa landslides sa Maco, Davao de Oro, umaabot na sa 37 katao ang bilang ng mga nasawi habang mahigit naman sa 70 katao ang nawawala sa naganap na delubyo noong Martes ng gabi.