COTABATO CITY, Philippines — Isang barangay kagawad ang napatay sa paulit-ulit na taga ng itak ng isang lasing na kanya lang sanang aawatin sa panggugulo nito sa mga kapitbahay sa Brgy. JP Laurel sa bayan ng Malungon sa Sarangani nitong Biyernes.
Ang napaslang na barangay kagawad na kinilalang si Pedrito Moda Tampole, 57-anyos, ay nagresponde lang sa ulat na isang lasing ang tinatakut-takot gamit ang isang itak ang ilang mga residente sa Sitio Proper sa J.P Laurel ngunit siya ang pinagbalingan nito at pinagtataga na nagsanhi ng kanyang pagkamatay.
Nabaril at nasugatan naman ng mga sundalo at pulis na nagresponde sa insidente ang suspek na pansamantalang hindi muna kinilala habang hinahanda na ang kaso laban sa kanya at ngayon ay nasa isang pagamutan habang guwardiyado ng mga pulis.