Rep. Pulong, namahagi ng ayuda sa landslide at flashflood victims
MANILA, Philippines — Namahagi ng ayuda si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na aabot sa 5,000 pamilya na apektado ng landslide at flashflood dulot ng Low Pressure Area (LPA) at malalakas na pagbuhos ng ulan sa Davao Region.
Pinangunahan ang Rep. Duterte team ng anak nitong si Rodrigo “Rigo” Duterte II, sa ilalim ng “Pulong Pulong ni Pulong” (PPP) program na namahagi kamakalawa ng food packs na naglalaman ng 5 kilo ng bigas, pagkaing delata, isang container ng tubig at iba pang mga pangangailangan ng mga biktima ng pagbaha sa Brgys. 19-B, 2-A, 1-A, 10-A at 9-A ng lungsod.
Samantalang ang Pulong Duterte team ay mamamahagi rin ng tulong sa Brgys.8-A, 5-A, Matina Crossing (Gravahan) at Maa. Nasa 17,322 pamilya mula sa nasabing mga barangay ang makakatanggap din ng parehong ayuda mula sa tanggapan ng solon sa pamamagitan ng PPP program nitong Biyernes.
Ayon kay Rep. Duterte, namahagi sila ng tulong sa mga barangay simula pa noong Miyerkules upang tiyakin na ang mga relief ay maipapamahagi sa mga komunidad habang nauna na ring nabigyan ng ayuda noong nakalipas na linggo ang may 1,000 pamilyang apektado ng kalamidad.
Nasa 8,000 packs din ng mga bigas ang naipamahagi ng Team Pulong sa iba’t ibang munisipalidad kabilang na sa mga bayan ng Carmen, Busaon, Tuganay, Sto. Tomas at Panabo City; pawang sa Davao del Norte.
Sa ulat ng Office of Civil Defense 11 (OCD) ang Carmen, Davao del Norte ang may pinakamataas na bilang ng mga naapektuhan ng kalamidad na nasa 34,000; Davao Oriental, 23,000; Davao de Oro, 12,000 at Davao City na nasa mahigit 8,000.
- Latest