3 HVI, 1 minor arestado sa P2.8 milyong shabu
CAVITE , Philippines — Arestado ang apat katao kabilang ang isang menor-de-edad na ginamit ng magdyowang suspek sa pagtutulak ng droga sa magkasunod na drug operation ng pulisya sa Dasmariñas City.
Alas-2:30 ng hapon sa isang parking lot ng fast food chain sa Brgy. Paliparan 3, isinagawa ang unang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit 4A, Provincial Drug Enforcement Unit ng Cavite Police Provincial Office, Dasmariñas City Police Station, PNP Drug Enforcement Unit 4A at Philippine Drug Enforcement Agency kung saan naaresto ang magdyowang sina alias “Popoy”, 42, at “Madie”, 38-anyos, at ang 16-anyos na si alias “Khalix”; pawang residente ng Brgy. San Dionisio ng nasabing lungsod.
Kasama ang magdyowang suspek sa mga High Value Individuals (HVI) list na target ng pulisya. Nakuha sa kanila ang mahigit 200 gramo ng shabu na P1,360,000 ang halaga at 7 kilong marijuana na may halagang P840,000.
Kasunod nito, alas-8:00 naman ng gabi nang masabat ng pulisya ang isa pang big-time na tulak na si alias “Bryan”, HVI, ng Brgy. Zone 4, Dasmariñas City sa ikinasang buy-bust operation ng Dasmarñas Police Drug Enforcement Unit. Narekober sa kanya ang isang medium size na plastic na naglalaman ng 100 gramo ng shabu na may halagang P680,000.
- Latest