MANILA, Philippines — Iniakyat ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang sahod ng nasa 233,909 kasambahay sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) epektibo sa darating na Pebrero 19.
Sa inilabas na wage increase order na inaprubahan nitong Enero 22, tinaasan ng P1,000 kada buwan ang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon.
Dahil dito, mula P5,000 ay tataas sa P6,000 ang sahod ng mga kasambahay sa mga siyudad at first class municipalities sa rehiyon; habang mula P4,000 ay aakyat sa P5,000 ang sahod ng mga kasambahay sa ibang mga munisipalidad.
Nailathala ang wage order nitong Pebrero 3 at magiging epektibo matapos ang 15 araw mula sa publikasyon nito o sa Pebrero 19.
Ipinaliwanag ng RTWPB na ang halagang itinaas ay resulta ng konsultasyon at mga public hearing na kanilang isinagawa at ibinase rin sa pangangailangan ng mga kasambahay at ng kanilang pamilya, maging ang kapasidad ng mga employers na magpasahod. Ang huling wage order para sa mga kasambahay sa rehiyon ay inilabas noong Hunyo 15, 2022.