5 na patay sa pagsabog sa Laguna

Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office (PRO)-4A public information office chief Lt. Col. Chitadel Gaoiran, kinilala ang mga nasawi na sina Marvin Lamela Ocom, 27; Bebot Reymundodia, 44; Ricardo Olic-Olic, 51; Mylene Tarapidio at John Ronald Gonzales Deduro, 23.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pumalo na sa lima katao ang kumpirmadong patay habang 10 ang sugatan sa naganap na pagsabog sa isang pagawaan ng paputok sanhi ng malaking sunog sa Cabuyao, Laguna kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office (PRO)-4A public information office chief Lt. Col. Chitadel Gaoiran, kinilala ang mga nasawi na sina Marvin Lamela Ocom, 27; Bebot Reymundodia, 44; Ricardo Olic-Olic, 51; Mylene Tarapidio at John Ronald Gonzales Deduro, 23.

Ang mga nasawi ay kapwa dinala sa iba’t ibang ospital pero nasawi habang nilalapatan ng lunas dahil sa ma­tinding pagkasunog sa katawan.

Ang mga sugatan ay magkakahiwalay na dinala sa Ospital ng Cabuyao, Saint James Hospital, at PGH hospital.

Batay sa paunang imbestigasyon, malakas na pagsabog ang nangyari dakong alas-3:30 ng hapon sa Diamond Fireworks Inc. factory na nagsanhi ng sunog na umabot sa unang alarma sa Purok 3, Brgy Bigaa. Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng pagawaan ng paputok hanggang sa ideklarang fireout ng mga bumbero ng alas-4:46 ng hapon kama­kalawa.

Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng pagsabog.

Lumalabas na hindi ito ang unang beses na nasunog ang naturang pagawaan ng paputok, kung saan walang namatay sa unang insidente, ayon pa sa ulat.

Nabatid na pagmamay-ari ng pamilya Lebrilla at Aquino ang nasabing factory na dalawang dekada na umanong namamayagpag sa operasyon.

Una na ring nagpahatid ng ayuda si Cabuyao Mayor Dennis Hain sa mga pamilya ng mga nasawi at sa mga sugatan. Tiniyak nito na tuluy-tuloy ang tulong hanggang sa pagga­ling ng mga sugatang biktima.

Show comments