MANILA, Philippines — Pitong miyembro ng kilabot na criminal group na sangkot sa pagpatay sa tatlong pulis ang nadakip ng pulisya habang tinutugis pa ang kanilang mga lider sa Samar.
Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na sasampahan ng kasong murder ang pitong nahuling suspek na nakapatay sa tatlong pulis at pagkasugat ng apat pa nilang kabaro sa naganap na engkuwengtro kamakalawa ng madaling araw sa Samar.
Nakaengkuwentro ng mga pulis ang magkakasanib na criminal groups sa Barangay Mahayag, Santa Margarita, Samar.
Ayon kay PNP Public Information Office chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, bukod sa pagsasampa ng kaso sa pitong nahuling suspek, patuloy ang ginagawang hot pursuit operation laban kina Edito Ampoan, lider ng Ampoan Criminal Group, at Jojo Altarejos, miyembro ng Manias potential criminal gang at Rogelio Macurol na pawang may mga warrant of arrest.
Lumilitaw na natunugan ng grupo ni Ampoan ang paparating na raiding team na magsisilbi ng warrant of arrest kaya agad silang pinaputukan.
Nabatid na sangkot ang grupo ni Ampoan sa iba’t ibang insidente ng pamamaslang at lumalabas sa investigation at intelligence build-up ng Police Regional Office (PRO)-8 na sumanib ito grupo ni Manias at Montealto criminal gang.
Tiniyak din ni Fajardo na ibibigay ang mga benepisyo ng mga nasawing pulis na sina PSSg. Christian Tallo, PCpl. Eliazar Estrelles at PMSg. Paul Terence Paclibar.
Habang sasagutin ang lahat ng gastos sa ospital nina PCpl. Rannel Pedamato, PCpl. Mark Jason I Sixta, Pat Ham Kritnere Capalis at Pat Mark C Redoblado na pawang wounded in action.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Sta. Margarita PNP kung saan lahat ng kanilang istasyon sa Samar ay inilagay na sa alert status at inatasan na rin ang pagkakaroon ng checkpoints.
Nakatakda namang tumungo sa PNP chief General Benjamin Acorda, Jr. sa lugar upang bisitahin ang mga sugatang pulis gayundin upang magbigay ng personal na pakikiramay sa mga naulila ng tatlong napatay na pulis.