MANILA, Philippines — Solong naiuwi ng isang taga-Rizal ang mahigit P56.6 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakalawa ng gabi.
Sa abiso ng PCSO, nabatid na nakuha ng lucky winner ang six-digit winning combination ng Lotto 6/42 na 38-20-19-04-16-40, kaya’t napanalunan nito ang katumbas na kabuuang premyo na P56,638,411,00. Ayon sa PCSO, nabili ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Pililla, Rizal.
Pinayuhan naman ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mapalad na mananaya na upang makubra ang kanyang napanalunan ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong identifications cards.
Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law habang ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, buhat sa araw nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang Charity Funds.
Samantala, walang nanalo sa iba pang lotto draws na binola rin nitong Martes ng gabi.