MANILA, Philippines — Dalawa ang kumpirmadong patay kabilang ang isang boat captain habang apat ang sugatan at ‘di pa batid ang bilang ng mga nawawala sa banggaan ng isang barko at water taxi habang naglalayag sa karagatang sakop ng Verde Island Batangas Bay, Batangas City, kahapon ng hapon.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG)-Batangas, naganap ang banggaan malapit sa Matuco Point sa pagitan ng MV Ocean Jet 6 at water taxi na Hap & Go bandang alas 12:20 ng hapon. Galing umano ang MV Ocean Jet sa Calapan Port patungong Batangas City Port nang maganap ang aksidente.
Iniulat ni Captain Jerome Jeciel, Coast Guard station Batangas commander na dalawa ang namatay sa insidente na kinabibilangan ng kapitan ng water taxi at isang crew. Hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Ang kapitan at kanyang crew ng Hap and Go ay kapwa nagtamo ng mga sugat at dinala sa Puerto Gallera Hospital pero parehong idineklarang dead-on-arrival.
Sa natanggap na ulat ng Port Management Office ng Batangas mula sa Vessel Traffic Management System (VTMS), umalis sa Batangas Port ang MV Ocean Jet 6, dakong alas-11:26 ng umaga at inaasahang darating sana sa Calapan Port ng alas-12:35 ng tanghali.
Hindi na ito nakarating sa Calapan dahil nakabanggaan nito ang Hap & Go, na patungo naman ng Batangas Port, dakong alas-12:20 ng tanghali.
Lulan ng Hap & Go ang limang pasahero at apat na crew, habang ang Ocean Jet ay may 105 na pasahero at 19 na crew.
Agad namang dinala ang mga na-rescue sa Port of Puerto Galera, kung saan apat din ang sinasabing nasugatan habang may ilang pasahero pa ang kasalukuyang hinahanap ng PCG search and rescue team. — Ed Amoroso at Danilo Garcia