85 katutubo, pasok na iskolar ng kumpanya ng minahan
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nasa 85 na katutubong mag-aaral sa kolehiyo ang muling naidagdag sa scholarship program ng isang kumpanya ng minahan na nakabase sa Barangay Didipio, Kasibu ng lalawigang ito.
Ang bagong bilang ng mga katutubong mag-aaral mula sa iba’t ibang tribu ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng mga opisyal ng National Commission on Indigenous People (NCIP), Indigenous People Mandatory Representative (IPMR), Bureau of Mines and Geosciences (MGB) at ang Didipio Mine ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) sa pamamagitan ng kanilang Indigenous Peoples Scholarship Programs.
Ayon kay Atty. Joan Adaci-Cattiling, presidente ng Didipio Mine, ang IP scholarship sa ilalim ng Community Development Fund (CDF) ay isa lamang sa mga scholarship programs ng kumpanya na itinatag para lamang sa mga IP college students mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Maliban sa IP scholars, unang inilunsad ng Didipio Mine ang Development of Mining Technology and Geosciences (DMTG) scholars para naman sa mga mag-aaral na kumukuha ng mga kursong Mining and Metallurgical Engineering, Geology, Electrical, Mechanical, Forestry at Agriculture kung saan nasa 260 na mag-aaral na ang nakapagtapos.
Ang mga Didipio Mine scholars ay tumatanggap ng allowance na P10,000 hanggang P12,000 kada buwan, maliban sa libreng matrikula at iba pang bayarin sa mga pribadong at kilalang unibersidad.
Ayon kay Cattiling, aabot sa 403 scholars ang target ng kumpanya na matulungan ngayong taon.
- Latest