5 miyembro ng pamilya, magkakayakap na nasunog!

Abo na lang ang naiwan sa natupok na bahay nang madatnan ng awtoridad na ikinasawi ng limang miyembro ng pamilya sa Brgy. Kilicao, Daraga, Albay noong Martes ng gabi.
Daraga Police

DARAGA, Albay, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng limang miyembro ng pamilya kabilang ang ­tatlong bata matapos ma-trap sa loob ng nasusunog nilang bahay sa Purok-6, Sitio Matagbac, Brgy. Kilicao, Da­raga, Albay noong Martes ng gabi.

Magkakayakap pa nang matagpuan ng mga imbestigador ng Bureau of Fire Protection-Daraga ang mga nasunog na bangkay ng mag-live in partner na sina Moncris Estipona Neptuno, 35-anyos at Rosalie Masarate Polido, 35-anyos, mga anak na isang 9-anyos na lalaki, 5-anyos na lalaki at isang 11-buwang bunsong babae.

Nakaligtas naman sa sunog ang panganay ng nasabing pamilya na isang 14-anyos makaraan siyang makitulog sa bahay ng kanyang lola.

Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi, nakita na lang ng mga residente na malaki na at naglalagablab ang apoy sa nasusunog na bahay ng nasabing pamilya na gawa sa kahoy.

Mabilis namang rumesponde ang mga pamatay-sunog makaraang may tumawag sa kanila pero sa bilis ng pagkalat ng apoy ay hindi na nagawa pang makalabas ng bahay ang mga biktima.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng BFP-Daraga para matukoy ang sanhi ng sunog.

Show comments