MANILA, Philippines — Isang maituturing na “historical” na aspeto at malaking biyaya para sa mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon matapos na pormal nang i-turnover ang bagong Fujifilm Supria 128 slice computerized tomography (CT) scanner ni G. Ramon S. Ang (RSA), president at chief executive officer (CEO) ng San Miguel Corporation (SMC) para sa Quezon Provincial Hospital Network-Quezon Medical Center (QPHN-QMC).
Ang 128 slice CT scanner ay ginagamit sa pag-diagnose at monitor ng iba’t ibang sakit kagaya ng cancer, sakit sa puso, sakit sa baga, stroke, at iba pa. Ito’y malaking tulong sa bawat pasyenteng nangangailangan ng ganitong pagsusuri sapagkat ito ay higit na mabilis ang proseso, mas detalyado at malinaw ang mga “images” at mas mababa ang radiation exposure.
Malaking kapakinabangan ang nasabing bagong kagamitan upang patuloy na maisakatuparan ang maayos at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan na isa sa pangunahing prayoridad ni Governor Dra. Helen Tan para sa kanyang mga constituents.
Pinasalamatan ni Gov. Tan si Ang sa donasyon sa pinakamalaking public hospital sa lalawigan.
“Lubos po tayong nagpapasalamat kay SMC President and CEO Ramon S. Ang sa kaniyang ipinagkaloob na Fujifilm 128 Slice CT Scanner sa Quezon Provincial Hospital Network-Quezon Medical Center (QPHN-QMC),” ani Dra. Tan.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, mayroon na po tayong mataas na dekalidad ng CT Scan na magagamit ng mga pasyente mula sa ating lalawigan at mga kalapit-probinsya,” dagdag ng gobernadora.
Bukod rito, sinabi ni Tan na ipinagkaloob din sa QMC ang mammogram machine para sa maagang detection ng breast cancer sa mga kababaihan.
“Ito po ay bukas para sa lahat, lalo na sa ating mga nahihirapan at walang kakayahang magbayad na mga kababayan,” pahayag ni Dra Tan.
Ayon naman kay Ramon Ang, handa siyang tumulong sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon upang maisakatuparan ang mga adhikaing pang-kalusugan, at pagbibigay ng iba pang mga proyektong makatutulong para sa ikauunlad ng lalawigan ng Quezon.