Naaktuhan na may ibang kahalikan
ILOILO CITY, Philippines — Patay ang isang 22-anyos na graduating college student matapos siyang barilin sa ulo ng kanyang 22-anyos na dating nobyo dahil sa matinding selos sa loob mismo ng school campus sa Guimaras nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Christine Mae Piamonte, 22-anyos, fourth year student ng Bachelor of Science in Business Administration sa Guimaras State University (GSU) at residente ng Barangay Cabungahan, San Lorenzo, Guimaras.
Nasa kustodya naman ng pulisya ang suspek na si Zoilo Sereño, isang casual employee ng Pulupandan Rural Health Unit at residente ng Von Ryan St., Barangay Zone 6, Pulupandan City, Negros Occidental.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril sa loob ng GSU-Buenavista campus sa Barangay Mclain, Buenavista, Guimaras dakong alas-2:50 ng hapon nitong Enero 19.
Agad namang ikinordon ng mga school security personnel at maaresto si Sereño, matapos ang ginawang pagpatay sa dating kasintahan at nakuhan ng isang homemade caliber .38 revolver.
Inamin na umano ni Sereño ang pagbaril at pagpatay kay Piamonte, na nakatakda na sanang magtapos sa kanyang kurso sa susunod na mga buwan.
Bago ang pamamaril, lumalabas na mula sa Pulupandan ay bumiyahe pa si Sereño patungong lalawigan ng Guimaras sakay ng pribadong pumpboat. Nang makarating sa lugar, agad siyang dumiretso sa school campus upang kausapin umano si Piamonte para klaruhin ang kanilang tunay na estado ng relasyon. Target din nito ang napapabalitang bagong karelasyon ng kanyang dating nobya.
Lumalabas na si Piamonte ay nobya ni Sereño sa loob ng tatlong taon.
Sinabi ng suspek na nanlamig sa kanilang relasyon si Piamonte ng nakalipas na taon hanggang sa sila ay maghiwalay noong Setyembre.
Pinaghihinalan ng suspek na may ibang lalaki ang biktima kaya nagbago na tinukoy niyang si Ram Arlo Tacubay, 26-anyos, nagsisilbing musical director ng GSU para sa Palayag Festival.
Ayon kay Colonel Rhea Santos, hepe ng Guimaras Police, nagawang makapasok ng suspek sa school campus matapos niyang sabihin sa security personnel na personal niyang ibibigay ang allowance ni Piamonte.
Nang makapasok sa loob ng campus, naispatan ng suspek sina Piamonte at Tacubay, habang kasama ang iba pang mga estudyante sa Room 3 ng university’s Agri-Eco Building.
Sinabi ni Sereño na kitang-kita niya nang halikan ni Tacubay si Piamonte at inakbayan pa.
Bunsod nito, agad na binaril ng suspek si Tacubay na nasugatan sa ulo at dibdib. Sinubukan naman ni Piamonte na umawat sa pag-atake ng dating boyfriend subalit maging siya ay binaril sa ulo.
Kapwa isinugod sa Buenavista Emergency Hospital ang dalawa subalit idineklarang patay si Piamonte.