State of calamity sa Davao del Norte, inirekomenda
Dahil sa matinding pagbaha
MANILA, Philippines — Dahil sa walang tigil na mga pag-ulan na nagresulta sa matinding pagbaha, inirekomenda ng Davao del Norte Provincial Government ang pagsasailalim sa buong probinsya sa state of calamity.
Ayon kay Davao del Norte Governor Edwin Jubajib, una nang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng B.E. Dujali, Carmen, New Corella at Tagum City na lubos na naapektuhan ng pagbahang dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan simula noong Lunes, Enero 16.
Sa record ng provincial government, aabot na sa mahigit 48,000 na pamilya o mahigit 252,000 na mga indibidwal ang naitalang apektado sa anim na bayan at dalawang siyudad na kinabibilangan ng Panabo at Tagum City, Carmen, B.E. Dujali, Asuncion, New Corella, Kapalong, at Sto. Tomas.
May ilang barangay naman ang binaha sa Island Garden City of Samal, habang matinding landslide ang nakaapekto sa bayan ng Talaingod at San Isidro.
Samantala, nakapagtala ang PLGU ng inisyal P11-M na halaga ang pinsala sa agrikultura sa 480 na ektarya na farmland, kung saan aabot sa may 500 magsasaka ang apektado.
Giit ni Jubajib, nakatakdang magsagawa ng special session ang Sangguniang Panlalawigan ngayon para sa pag-apruba ng inirekomendang pag-declare ng state of calamity.
Mas mapapabilis din ang pagresponde sa mga pangangailangan ng mga apektado ng baha sa pamamagitan ng calamity fund ng probinsya.
- Latest