Tropa ng SAF, pinadala sa Lanao del Sur

COTABATO CITY, Philippines — Mahigit 100 na tropa ng Special Action Force (SAF) ang pinadala sa Lanao del Sur nitong Lunes ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region upang tumulong sa pagpa­panatili ng kapayapaan sa probinsya na may presensya ng Dawlah Islamiya. 

Mismong si Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng PRO-BAR, ang nanguna sa isinagawang send-off cere­mony sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte para sa mga kasapi ng 4th Special Action Battalion na ikakalat sa mga bayan ng Malabang, Masiu at Marantao sa Lanao del Sur at sa Marawi City na siyang kabisera ng probinsya.

Ayon kay Nobleza, tutulong ang mga kasapi ng 41st, 43rd, 44th  at 45th Special Action Companies, nasa ilalim ng operational control ng PRO-BAR, sa kampanya ng mga municipal police stations sa tatlong bayan laban sa terorismo at sa pagsugpo ng krimen.

Tutulong din ang mga miyembro ng SAF na pinadala sa Lanao del Sur sa pagresolba ng mga “rido,” o away ng mga angkan ng mga Maranaw, at sa pagprotekta ng mga publiko laban sa mga lokal na teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. 

Show comments