Peryahan niratrat: Caretaker patay, 3 sugatan

Kinilala ng pulisya ang nasawi na isang “Peter Jerico”, nasa hustong gulang, katiwala ng carnival at residente ng Brgy. San Juan 1, General Trias City, Cavite. Siya ay idineklarang dead-on-the-spot sa insidente.
Pilipino Star Ngayon/File photo

CAVITE, Philippines — Patay ang isang carnival caretaker habang tatlo pa ang sugatan matapos umatake at mamaril ang isang ‘di nakilalang lalaki sa loob ng isang peryahan sa Brgy. Anabu 2- C, Imus City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na isang “Peter Jerico”, nasa hustong gulang, katiwala ng carnival at residente ng Brgy. San Juan 1, General Trias City, Cavite. Siya ay idineklarang dead-on-the-spot sa insidente.

Nilalapatan naman ng lunas ang mga biktima na nakilala lang sa mga alias na “Jupiter”, 33-anyos, ng Barangay Lecheria, Calamba City; “Joselito”, 31-anyos, at Rizalyn, 27; pawang residente ng Barangay Gugo Proper, Bataan; lahat ay stay-in worker sa Mini-Carnival ng Barangay Anabu 2-C, Imus City, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa loob ng Mini-Carnival sa nasabing lugar. Habang nasa loob ng peryahan ang biktima at nagmamaniobra ito ng sasakyan nang pumasok ang suspek na armado ng maiksing baril saka siya walang sabi-sabing pinagbabaril. Nahagip naman ng mga bala ang tatlo pang trabahador ng peryahan.

Nang makitang duguang bumulagta si Peter Jerico at nadamay ang tatlo, mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang armas na ginamit sa pamamaril.

Ayon kay Capt. Michelle Bastawang, Cavite police spokesperson, ang  tatlong sugatan ay isinugod sa South Imus Specialist Hospital para malapatan ng lunas matapos tamaan ng bala sa katawan, at ngayo’y nasa stable nang kondisyon, Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 10 empty bullets at dalawa pang deformed mula sa hindi pa batid na kalibreng baril.

Sinabi ng pulisya, lumalabas na si Peter Jerico ang pangunahing target ng ‘di kilalang gunman na nakasuot ng grey jacket at sakay ng single motorcycle, habang ang tatlong nasugatan ay maaaring “collateral damage” nang tamaan ng mga ligaw na bala sa pag-atake.

Sinisilip ngayon ng mga imbestigador ang anggulong “love triangle”, “old grudge” at “paghihiganti” na mga motibo sa pamamaril dahil sa nagdaang away ng nasawi sa isang hindi kilalang lalaki, ng mga nakalipas na buwan.

Show comments