BULUSAN, Sorsogon, Philippines — Muling nagbabala ang Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa lahat ng residente na iwasang pumasok sa mga danger area ng Mt. Bulusan sa Sorsogon matapos na tumaas ang bilang ng mga pagyanig ng bulkan kahapon.
Sa inilabas na datos ng Phivolcs, alas-10:00 ng umaga, sa loob ng 24 oras na obserbasyon ng Bulusan Volcano Network (BVN) ay naitala nila ang 71-volcanic tectonic earthquakes na sinabayan ng rock fracturing o pagkabasag ng mga bato na ang pinakamalakas ay nagsisimula sa 0.3 ML hanggang 2.2 ML na nangyari sa 1 hanggang 6 na kilometro sa southern flank ng katawan ng bulkan.
Patuloy naman ang degassing activity sa summit crater at paglabas ng plumes na bumabagsak sa west at southeast.
Ang mga pagyanig ay indikasyon na may mababaw na hydrothermal activity na nangyayari na posibleng maging dahilan nang pagkakaroon ng steam-driven o phreatic explosion.
Mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone at 2-kilometrong extended danger area. Binalaan maging ang mga eroplano na dumaan malapit sa crater.