May-ari ng sikat na Croc Farm sa Davao City, dedo sa road mishap
COTABATO CITY, Philippines — Nasawi sa isang road accident nitong Linggo sa Bansalan, Davao del Sur ang isang popular na negosyante na may-ari ng Davao City Crocodile Farm na isang landmark at sikat na tourist destination sa naturang lungsod.
Sakay ang 64-anyos na si Philip Dizon ng kanyang three-wheeled Can-Am na motorsiklo na bumaligtad at gumulong sa isang bahagi ng highway sa bayan ng Bansalan dahil sa pag-iwas nito sa isang sasakyan na kasalubong.
Sa hiwalay na pahayag nitong Lunes ng Bansalan Municipal Police Station at ng Davao del Sur Provincial Police, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan si Dizon kung saan siya isinugod ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Si Dizon ay may-ari ng Crocodile Farm sa Maa, Davao City na kanyang itinatag mahigit isang dekada na ang nakalilipas upang makatulong sa crocodile conservation program ng pamahalaan na naging isang landmark at major tourist attraction na sa buong Region 11.
Si Dizon ay may-ari rin ng isang eco-tourism site, ang Apo Highland Resorts sa Kapatagan, Davao del Sur, at mga orchards at exotic fruit farms na ang produkto ay binebenta sa Davao City at sa mga karatig na probinsya.
- Latest